Duda si Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa aktwal na halaga ng estate tax na sinisingil sa pamilya Marcos.
Sinabi ito ni Remulla sa isang pagtitipon ng mga miyembro ng Rotary Club Manila kung saan sinabi rin nito na may mali sa paraan kung paano kinompute ang halaga ng estate tax ng mga Marcos.
Lumalabas kasi sa 1997 ruling ng Korte Suprema na aabot sa 23 billion pesos ang halaga ng estate tax batay na rin sa assessment ng Bureau of Internal Revenue (BIR) noong 1991.
Ito ay matapos bigong makapaghain ng estate tax returns at mabayaran ito nang mamatay si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Hawaii noong 1989.
Noong panahon ng 2022 elections kung saan tumatakbo si ngayo’y Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay sinabi ng ilang abogado na aabot na ito sa 203 billion pesos kung saan kasama na rito ang interest, surcharges at penalty matapos hindi mabayaran sa loob ng mahigit tatlong dekada.
Bagamat hindi ipinaliwanag ni Remulla kung bakit naging biased ang naturang komputasyon ay sinabi nitong walang basehan ang mga Marcos sa naturang estate tax dahil hindi naman naipangalan ang mga ari-arian sa mga tagapagmana.
Sa kabilang banda, sinabi ng kalihim na maaaring mali siya patungkol rito ngunit ito ang nakikita niya sa ngayon.
Mababatid na sinabi ni BIR Commissioner Lilia Guillermo na pinag-aaralan niya pa ang mga dokumento patungkol sa Marcos estate tax ngunit nangako ito na sasabihin sa Pangulo na maging “role model” sakaling mapatunayan may pananagutan ito.