Patungo na si dating Senador Joseph Victor “JV” Ejercito sa pag-secure ng safe spot sa senatorial race, batay sa pinakahuling resulta ng Pulse Asia survey.
Makaraang pumang-14 noong February survey at pang-12 noong Marso, umakyat si Ejercito sa ika-9 na puwesto sa April 16-21, 2022 survey ng Pulse Asia.
Bilang isa sa best performing candidates sa senatorial election, gumaganda ang standing ng dating senador sa iba’t ibang surveys simula nang mag-umpisa ang national campaign period noong Pebrero.
Noong Marso ay umakyat sa ika-7 na puwesto si Ejercito sa March 5-10 survey ng OCTA Research sa nakalipas na February 12-17 survey ng OCTA ay pang-12 ang dating senador.
Samantala, pang-7 din siya sa most preferred senatorial candidate sa SWS survey na isinagawa noong February 25-28, habang pang-8 sa Pulso ng Pilipino senatorial survey ng Issues and Advocacy Center simula March 7 hanggang 13.
Bago ang campaign period, nasa pang-13 hanggang 18 si Ejercito sa karamihan ng senatorial surveys.
Ang mga endorsements ng ilang presidential candidates, gaya ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at ilan pang mga kandidato mula sa iba’t ibang lalawigan ang inaasahang magpapalakas pa sa kandidatura ni Ejercito habang papalapit ang May 9 elections.
Pinasalamatan naman ni Ejercito ang kanyang mga kaibigan, colleagues at supporters sa pagtulong sa kanya sa kabila ng kanyang mahirap na pangangampanya.