Iminungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano na pansamantalang suspendihin muna ang K-to-12 program kung hindi naman ito mabubuhusan ng pondo.
Sa budget deliberation ng Department of Education (DepEd), tinukoy ni Cayetano na hindi natutupad ang layunin ng K-to-12 na pagka-graduate ng mga estudyante ay maaaring magtrabaho na kahit hindi pa sila nakakapagkolehiyo.
Aniya, hindi rin nagkatotoo ang layunin na babawasan ng isang taon ang college dahil sa implementasyon ng senior high school sa ilalim ng programa.
Dagdag pa rito ng senador, hindi rin natutugunan ng K-12 program ang problema sa kalidad ng edukasyon sa bansa dahil kulang na kulang pa rin ang mga pasilidad sa mga paaralan.
Dahil dito, dalawa lamang ang nakikitang agarang solusyon ng senador, ito ay suspendihin muna ng lima hanggang sampung taon ang programa at ibalik na lang kapag nagkaroon ng sapat na resources o kaya naman ay buhusan ng pondo ang programa para matupad ang orihinal na nilalayon ng K-12 program.