Hinimok ni Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na bigyan ng trabaho ang mga nagtapos sa programang K to 12 bilang contact tracers sa gitna ng pandemya.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na makakatulong ang kanyang suhestyon para sa mga bagong nagtapos na tiyak mahihirapang makahanap ng mapapasukan dahil sa naging epekto ng COVID-19 pandemic sa ekonomiya.
Ayon kay Gatchalian, kung bibigyan ang mga graduate ng trabaho bilang contact tracers, mapapalakas din ng pamahalaan ang mga hakbang na mahanap ang mga nahawaan ng COVID-19.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang ginawa ng Estados Unidos kung saan may mga contact tracer na hindi nakapagtapos ng kolehiyo.
Ang mungkahi ni Gatchalian ay tugon sa inanunsyo ng Department of Health (DOH) na nangangailangan ang bansa ng humigit-kumulang 94,000 na contact tracers.