Para kay Senate President Tito Sotto III, mainam na hakbang na mapag-aralang mabuti ng papasok na Marcos Administration ang K to 12 program lalo’t ang nagsulong nito ay nakaraan pang administrasyon.
Ayon kay Sotto, pangunahing dapat tingnan kung ang kabuuang curriculum na nakapaloob dito ay pinahaba lang at pwede naman makumpleto sa loob lang ng apat na taon.
Binanggit ni Sotto na marami ding magagandang subjects ang nawala o hindi masyadong natutukan na marahil dahilan kaya maraming kabataan ang walang alam o kakaunti ang kaalaman sa history habang marami ang hindi pa rin marunong magbasa.
Sabi ni Sotto, dapat kasama ding silipin ang kalagayan ng mga guro na sinasabing natambakan ng trabaho sa ilalim ng programa.
Nais din ni Sotto na mabusisi kung bakit hindi nakamit ang pangako ng K to 12 na magkakaroon agad ng trabaho ang mga magsisipagtapos ng senior high school dahil mas pinipili pa rin ng mga employers ang mga nagtapos sa kolehiyo.
Giit ni Sotto, kung makikitang hindi epektibo ang K-12 program ay mas mabuting bumalik na lang sa dating sistema kung saan apat na taon lang ang high school kumpara ngayon na pinahaba ito sa anim na taon.