K-to-12 program ng DepEd, pinarerepaso ng ACT Teachers Party-list sa Marcos admin

Pinarerepaso ng ACT Teachers Party-list sa administrasyong Marcos ang K-to-12 program.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na nakatakda nilang muling ihain sa 19th Congress sa July 1 upang pag-aralan ang nilalaman ng K-to-12 program.

Giit ni Castro, dapat mayroong oversight committee na nakatingin sa curriculum ng K-to-12 upang matutukan ang mga estudyante.


Aminado kasi si Castro na hindi ito tumugon sa kahandaan ng mga bata para makapagtrabaho agad matapos na makapagtapos ng K-to-12 system.

Mayroon din aniyang mismatch sa skills na gusto ng industriya sa natutunan ng bata sa paaralan.

Bukod dito, may problema rin aniya sa curriculum kung saan naging congested ito at dinagdagan ng mga subject na hindi pang-mastery.

Ipinanukala rin ng mambabatas na dapat ay nagkakaisa ang Department of Education (DepEd), Technical, Education and Skills Development Authority (TESDA) at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa intervention ng enhancement ng mga bata.

Nabatid na nasa 70% ng mga magulang sa bansa ang ayaw nang ituloy ang K-to-12 program batay sa survey ng National Parent-Teacher Association.

Facebook Comments