Iginiit ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na pag-aralan muna ang ilalatag na K+10+2 na education system kapalit ng K to 12 system.
Punto ng senador, maiging suriin munang mabuti ang isinusulong na bagong education system dahil may pros and cons o mabuti at masamang dulot ang ipinapanukalang sistema.
Paliwanag ni Gatchalian, bagama’t ang sistema ay papabor para sa mga estudyante na nais nang maka-graduate matapos ang 10 taong pag-aaral dahil sa kagustuhang makatulong sa pamilya pero dapat ding matiyak na maibibigay sa kabataan ang nararapat na kaalaman at kasanayan para sa paghahanap nila ng trabaho.
Dito naman aniya papasok ang ipinapanukala niyang Batang Magaling Act kung saan titiyaking mabibigyan din ng national certification o NC ang mga magsisipagtapos ng technical vocational courses sa ilalim ng Senior High School curriculum dahil kadalasang ito ang hinahanap ng mga employer.
Kailangan din aniyang may accreditation mula sa TESDA ang mga technical vocational courses na iniaalok sa ilalim ng K-12 system.
Aminado ang senador na sa ngayon ito ang nagiging kulang sa curriculum kaya’t hindi natutupad ang pangako ng K-12 na maaari nang magtrabaho ang mga nagtapos ng techvoc courses.