Cauayan City, Isabela – Si “Ka Ilyan” ay si Rolando Veloso Lee na ang ugat ng kanyang pamilya ay sa Eastern Visayas ngunit sa Lalawigan ng Isabela niya ginugol ang mahabang bahagi ng kanyang buhay.
Pangalawa siya sa mga pitong magkakapatid na anak nina Edilberto Lee at Isabel Veloso.
Pagmamahal sa bayan, pagmamalasakit sa bansa at pagtulong sa kapwa ang laging udyok sa kanya kung paano niya tinahak ang kanyang buhay.
Bago namatay si “Ka Ilyan” ay aktibo siyang kasapi ng Patriotic Action for Democracy Equality and Reform (PADER) bilang National Chairman.
Sa ginawang dalawang oras na eksklusibong panayam ni RadyoMaN Chris Estolas sa kanyang maybahay na si Normalita Galut Lee, nakababatang kapatid na si Antonio Lee at sa kanyang kababata na Rodrigo Cabanto ay naisalaysay ang makulay na buhay ng namayapang si Rolando Veloso Lee.
Namulat sa mga hamon sa buhay sa Maynila noong kabataan niya at para magkaroon ng mapagkakakitaan ay naging “pulot boy” siya sa Rizal Memorial Complex Tennis Court ng mga naglalaro ng lawn tennis.
Kasama niya rito ang kanyang kapatid na si Antonio, isa pang kapatid na naging kasapi ng AFP at kababata na si Rodrigo. Kanilang naikuwento ang P 20.00 kada oras noon na ibinabayad sa mga taga pulot ng bola ng mga naglalaro ng tennis.
Ayon kay Antonio, nakatulong sa kanilang pangangailangan ang pagiging “pulot boy” nila.
Nang dumating sa kolehiyo si “Ka Ilyan” ay pumasok siya sa Polytechnic University of the Philippines(PUP) para sa kursong Mass Communication kasabay ng kanyang pagiging aktibo sa mga student organization at movement.
Taong 1978 nang siya ay mag-armas at sumampa sa New People’s Army kung saan ay deretso siyang napunta sa Lalawigan ng Cagayan.
Matapos ang isang taon na pamamalagi sa Lalawigan ng Cagayan ay nalipat siya ng lugar sa Lalawigan ng Isabela at ang kanyang matagal na tinirhan ay ang mga kabundukan ng Siera Madre partikular sa mga Silanganing bahagi ng San Mariano at Ilagan, Isabela.
Dito niya nakilala ang kanyang maybahay na si Normalita Galut na tubong San Mariano, Isabela.
Isa ring dating rebelde at kilala bilang “Ka Joy” ang kanyang kabiyak. Ang kanilang pagkikita ay sadyang itinadhana dahil mayroon nang kasintahan si “Ka Ilyan” na “amasona” na kasapi rin ng New People’s Army noong siya ay napunta sa Isabela.
Namatay noon sa isang bakbakan nang mapalaban ang team ng kanyang kasintahang amasona sa militar sa San Mariano, Isabela. Sa naturang engkuwentro ay tatlo ang namatay at dalawa ang nasugatan sa panig ng NPA. Isa sa mga namatay dito ay ang naging kasintahan ni “Ka Ilyan”.
Si Normalita Galut, na isang magandang dilag at anak ng isang pulis sa San Mariano, Isabela ay isa noon sa mga tinatawag na ”masa” ng NPA. Isa siya sa mga tumulong para hanapin ang dalawang sugatan sa naturang labanan.
Dito nagkuros ang daan ng dalawa hanggang sila ay ikinasal sa seremonya ng partido bilang mag-asawa.
Pati pangalan ng kanilang mga anak ay hango sa buhay nilang mag-asawa bilang “rebolusyunaryo”. Ang kanilang panganay ay tinawag na Malaya Joyce dahil noong ipinanganak ito ay iyon ang unang pagkakataon ni “Ka Joy na makapunta ng Maynila.
Dito nila kinuha ang “joy” sa baybay ng pangalan ng kanilang unang anak. Ang Malaya ay hango sa kanilang hangaring maging “malaya” ang bansa.
Ang pangalawa ay Siera Maria Isabel dahil ipinanganak ito sa kabundukan ng Siera Madre. Binago lang ang sa “Maria” imbes na Madre at inilaglag ang titik “a” mula sa Isabela dahil baka matunton ang birth certificate ng anak ng mga intelligence ng militar at malaman ang pagkakakilanlan ng mga magulang.
Ang pangatlo ay si Ilyanah Victoria dahil ipinanganak siya sa Victoria, Ilagan at ang Ilyana ay ang babaeng bersiyon ng “Ilyan”.
Nagkaroon ang mag-asawa ng katungkulan sa kilusan at naging kilala sila ng “masa” kung saan ay pinatungan pa ang kanilang ulo para sa kanilang ikakadakip. Si “Ka Ilyan” ay may patong na P 250. 000.00 at si “Ka Joy” ay P 150, 000.00 para sa kanilang pagkakahuli o pagkakapatay.
Sila ay natunton ng mga AFP Intelligence Officers at naaresto sa San Pedro, Laguna noong 1990. Bagong panganak noon si “Ka Joy”. Naging maayos ang trato sa kanila ng militar sa panahon na sila ay animo’y naka “house arrest” dahil palaging may nakaposteng mga intelligence officers sa kanilang tinirahang bahay sa San Pedro, Laguna.
Inudyukan noon ng militar si “Ka Ilyan” na ituro ang mga kampo ng mga NPA gamit ang helikopter sa Isabela. Nang hindi maatim ni “Ka Ilyan” ang pag uudyok na ito na ikakapahamak ang kaniyang mga naging kasamahan. Siya ay tumakas at muli siyang sumampa sa NPA sa Isabela.
Magpagayunpaman ay naramdaman noon ni Ka Ilyan na hindi na katulad ng dati ang trato at pakikitungo sa kanya ng kanyang mga kasamahan. Kung dati ay mayroon siyang katungkulan, sa kanyang pagbabalik ay wala nang nai-atas na responsilidad sa kanya.
Ang mas matindi ay naramdaman niya ang pagdududa ng mga kasamahan niya sa hinalang siya ay pumanig na sa kanilang kalaban.
Napag- alaman din sa naturang panayam na matindi noon ang paghihinala ng mga NPA sa mga tinaguriang Deep Penetration Agents(DPA) ng mga militar at may mga sinentensiyahan pa silang mga kasamahan nila at inilibing na lang sa kabundukan sa kanilang “Oplan Kadena de Amor” dito sa Rehiyon Dos.
Naramdaman noon ni “Ka Ilyan” ang paghihinala at kawalang tiwala sa kanya ng mga kasamahang ayaw niyang ipahamak nang siya ay inuudyukan ng militar na ituro ang mga kampo nila sa mga kabundukan ng Isabela.
Siya ay nagpaalam para magbalik loob at mamuhay ng mapayapa kasama ang paggalaw nang “ neutral” sa malayang lipunan.
Dito niya noon itinatag ang Silayan Cooperative para sa mga sumukong rebelde at mga nabihag na mga NPA na ayaw nang bumalik sa kilusan. Naging matagumpay ang kooperatibang ito na kung saaan ang inisyal na P 50 000.00 na tulong ng LGU Isabela ay napalawak at napalago.
Pagkatapos ng Silayan Cooperative ay sumama siya sa PADER at kasalukuyan siyang National Chairman bago ang kanyang pagpanaw noong Enero 27, 2018.
Naging kawani din siya ng pamahalaang pamprobinsiya ng Isabela sa ilalim noon ng namayapang Gobernador Benjamin Dy sa Provincial Cooperative Development Office at kalaunan ay sa Provincial Environment and Natural Resources Office.
Dahil kailangan sa pang-gobyernong katungkulan ay tinapos niya ang kanyang kurso bilang working student. At nang kumuha siya ng civil service examination ay siya noon ang nakapagtala ng pinakamataas na marka sa buong Rehiyon Dos.
Naging sanggunian din siya ng dating Gobernador Benjamin Dy ng Lalawigan ng Isabela at laging nakakapanayam ng sikat na brodkaster at naging gobernador ng Isabela Grace Padaca dahil sa kanyang karanasan sa kilusan at matalinong paghimay sa mga isyu.
Ayon sa kanyang maybahay na si Normalita Galut Lee o “Ka Joy”, napagtanto ni “Ka Ilyan” na sa kanyang pagbabalik loob sa lipunan, pagiging kawani ng pamahalan at pagiging aktibo sa mga organisasyon at kooperatiba ay mas mabilis ang pagpapamulat sa mga tao kaysa sa paniniwalang pag-aarmas ng mga NPA.
Si Ka Ilyan ay inihatid sa kanyang huling hantungan ngayong araw, Pebrero 4, 2018 sa Aves Memorial Park Cauayan City, Isabela.