Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City ang pagtatatag at institusyonalisasyon ng “Kaagapay Desk,” isang one-stop desk na magsisilbing sentrong tulong para sa mga pangangailangang medikal, krisis, at burial assistance ng mga residente.
Layunin ng programa na pag-isahin ang iba’t ibang ahensya at tanggapan na may pondo para sa tulong medikal, kabilang ang gamot, hospital referral, medical financial assistance, hospital guarantee letters, mental health services, at ambulance transport, pati na rin ang tulong sa mga sitwasyong pang-krisis at paglilibing.
Sa ilalim ng Kaagapay Desk, ang mga lumalapit na mamamayan ay tutulungan sa pag-aayos ng mga kinakailangang dokumento at requirement. Ang kanilang mga kaso ay endorso sa mga opisina at ahensyang maaaring magbigay ng angkop na tulong upang maging mas maayos at hindi na pabalik-balik ang proseso para sa mga kliyente.
Makikipag-ugnayan at makikipag-partner ang lokal na pamahalaan sa iba’t ibang tanggapan at ahensya upang masiguro ang maayos na koordinasyon at mas mabilis na pagproseso ng tulong para sa mga nangangailangan.
Kamakailan, nakapaglaan ng financial assistance ang lokal na pamahalaan sa isang pamilyang namatayan at nairefer din sila sa mga partner na ahensya upang makatanggap ng karagdagang pinansyal na tulong. Ang naturang hakbang ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lungsod na mapabuti ang serbisyong panlipunan para sa mga residente.







