Tumaas ang kaalaman ng publiko tungkol sa generic medicines sa nakalipas na taon.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na ang market share ng originator drugs o mga branded ay nasa 42% habang nasa 56% ang branded generics at 6% para sa unbranded generics.
Ayon kay Vergeire, patunay ang datos na mataas na ang kamulatan ng publiko sa mga generic drugs.
Malaking pagbabago ito sa mula nang isabatas ang Generics Act of 1988 kung saan 10% lamang ang tumatangkilik ng generics.
Sa kabila nito, dapat magpatuloy pa rin aniya ang paghikayat sa publiko na parehas lamang na ligtas at epektibo ang mga generics at branded counterparts nito.
Pinaalalahan naman ni Anti-Red Tape Officer-in-Charge Ernesto Perez ang publiko na dapat nakalagay rin sa mga reseta ng doktor ang generic names ng gamot upang makatulong sa kanila na maghanap ng mas murang options para rito.
Mababatid na sa unang bahagi ng taon ay nagkaroon ng kakulangan sa ilang brand ng gamot na ginagamit tuwing may lagnat, ubo at sipon na siyang mga pangunahing sintomas ng flu o di kaya ng COVID-19.