Isinagawa sa Dagupan City ang isang pagsasanay na layong palawakin ang kaalaman ng mga magulang at kabataan sa responsableng panonood, lalo na sa paggamit ng telebisyon at mga pelikula sa sinehan.
Personal na nagtungo ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa Pantal Elementary School upang ipaalala ang tamang gabay at klasipikasyon na dapat isaalang-alang ng bawat pamilya sa kanilang pinapanood.
Ayon kay Jennilyn Baltazar, isa sa mga residenteng dumalo sa aktibidad, malaking tulong ang ganitong aktibidad para magabayan niya ang kanyang limang anak sa pagpili ng angkop na palabas.
Samantala, binigyang-diin ni MTRCB Chairperson Lala Sotto na bahagi ito ng mas pinaigting na kampanya ng ahensya, katuwang ang iba’t ibang sektor, upang maprotektahan ang publiko mula sa mga sensitibong content.
Ipinunto naman ni Barangay Pantal Kagawad Orlando “Owen” Navarro Jr. ang kahalagahan ng pagsasanay para sa mga residente, lalo na sa mga magulang na nagnanais maging mas maingat sa pinapanood ng kanilang mga anak.
Sa aktibidad, ipinaliwanag ng MTRCB ang Film at Television Classification Rating System, mula G, PG, SPG hanggang R-ratings, at iba pang paraan upang higit na maprotektahan ang kabataan laban sa hindi angkop na palabas.
Inaasahang magtutuloy-tuloy ang programa bilang bahagi ng mandato ng pamahalaan para mas mapalawak ang kamalayan ng publiko ukol sa responsableng panonood.









