KAALAMAN SA TAMANG PAG-ARESTO AT PAGPOPOSAS, IPINABATID SA BARANGAY PEACE ACTION TEAM SA BAYAMBANG

Sinanay sa wastong handcuffing at arresting techniques ang mga kasapi ng Barangay Peace Action Team (BPAT) sa Warding, Bayambang, Pangasinan bilang bahagi ng patuloy na pagsasanay upang mapalakas ang kakayahan ng mga barangay sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa komunidad.

Isinagawa ang lecture at actual demonstration sa pangunguna ng personnel ng Bayambang Police Station, na nagbigay ng mga mahahalagang kaalaman hinggil sa tamang pamamaraan ng pag-aresto, ligtas na paghawak sa suspek, at wastong paggamit ng posas upang maiwasan ang pinsala sa magkabilang panig.

Layunin ng pagsasanay na palakasin ang kahandaan ng mga kasapi ng BPAT sa pagtupad sa kanilang tungkulin, lalo na sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon.

Ayon sa mga tagapagpatupad ng aktibidad, mahalaga ang ganitong uri ng pagsasanay upang matiyak na ang mga barangay frontliners ay may sapat na kaalaman at kasanayan at upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng pulisya, barangay, at mga residente.

Facebook Comments