Kaalaman tungkol sa trans fats at edible oil, ipinaliwanag ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng National Nutrition Council

Usapang taba o fats ang sentro ng talakayan sa ikawalong episode ng programang Nutrisyon mo, Sagot ko ng National Nutrition Council.

Ayon sa guest expert na si Ms. Pauline Indita, Health Education and Promotion Officer III ng Health Promotion Bureau ng Department of Health, ang fats ay isa sa mga nutrient na maraming benepisyo sa ating katawan.

Aniya, maaaring maging energy sources ng ating katawan ang fats dahil ginagamit din ito ng upang mapagana o mapatakbo ang ibat ibang proseso na kailangan ng ating katawan sa araw-araw.


Ngunit sinabi ni Indita na ang sobrang fats sa ating katawan ay maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit tulad ng sakit sa puso, high blood pressure o altapresyon at Obesity.

Ipinaliwanag din ni Indita na may mga pagkain na may trans fats o isang uri ng fatty acids na nakakapagpataas ng bad cholesterol sa ating katawan.

Kapag tumataas aniya ang bad cholesterol sa katawan ng isang tao ay tumataas din ang panganib na mamuo ang taba sa blood vessel at sa puso na maaring humantong sa iba’t ibang uri ng sakit tulad ng atake sa puso, stroke at iba pa.

Kaya naman hindi nito inirekomenda ang paulit-ulit na paggamit ng cooking oil dahil nagkakaroon ito ng trans fats.

Ipinaliwanag din ng guest expert na dalawang klase ng mantika, ang saturated at unsaturated fats.

Sinabi ni Indita na ang saturated fats ay nakakapagpataas ng bad cholesterol level sa ating katawan habang ang unsaturated fats ay mas healthy dahil good cholesterol ito kung saan nakukuha sa taba ng isda, canola oil, vegetable oil at olive oil.

Payo ni Ms. Indita sa ating mga kababayan, hangga’t maari ay iwasan ang mga pritong pagkain at sanayin ang pagkain batay sa “Pinggan pinoy” ng NNC na nagsusulong na ma-magkaroon ng healthy eating habits.

Maaari rin bisitahin ang “Healthy Pilipinas” Facebook page ng Health Promotion Bureau ng DOH para sa iba’t ibang health tips.

Facebook Comments