Kaanak ng mga nawawalang tripulante ng Liberty 5, pinulong ng PCG; hiwalay na kasong sibil laban sa mga opisyal ng MV Vienna Wood, inihahanda

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga kamag-anak ng mga nawawalang mangingisda at pasahero ng lumubog na FV Liberty 5 na tutulungan nila ito sa paghahain ng kasong sibil laban sa pamunuan ng MV Vienna Wood.

Kanina, pinulong ni Commandant Vice Admiral George Ursabia Jr. sa headquarters ng Coast Guard sa Maynila ang mga kaanak ng mga sakay ng FV Liberty 5.

Ayon kay Admiral Ursabia, bukod sa kasong kriminal ay magsasampa sila ng kasong sibil laban sa mga opisyal ng MV Vienna Wood.


Inanunsyo rin ni Ursabia na kahapon, itinigil na ang full search and retrieval operation sa mga nawawalang tripulante.

Gayunman, bagamat wala aniyang nakikitang katawan ng 14, hindi naman maaaring ideklara na patay na ang mga ito.

Aniya, may posibilidad na buhay pa ang mga ito kaya itinuturing pa rin sila ng PCG na mga missing o nawawala.

Tiniyak din ni Ursabia na ngayong linggo ay maglalabas sila ng hold departure order laban sa mga kinasuhang opisyal ng MV Vienna Wood.

Sinabi ni Ursabia na nahalughog na nila ang buong MV Vienna at walang nakitang sinumang sakay ng FV Liberty 5 doon.

Facebook Comments