
Muling dumulog sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang ilang kaanak ng mga nawawalang sabungero ngayong Huwebes, kasabay ng ikakasang ‘search and retrieval operations’ ng mga awtoridad sa Taal lake.
Isa sa mga nagtungo sa CIDG ay si alyas Myrna, ina ng nawawalang sabungero na si Roel Gomez.
Ayon kay aling Myrna, nagsampa siya ng panibagong reklamo matapos umanong maareglo ang kinakasama ng kanyang anak na naging dahilan para matengga ang unang kaso na kanilang isinampa.
Aminado naman si Myrna na muling nabuhay ang kanyang pag-asa nang lumantad kamakailan ang whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy na umano’y may nalalaman sa pagkawala ng mga sabungero.
Sa panig naman ng pamilya ng iba pang biktima, umaasa silang mapapabilis na ang paggulong ng imbestigasyon dahil narin sa tulong ni Patidongan.
Samantala, sa impormasyon mula sa PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group may ilang pamilya rin ng mga nawawalang sabungero ang dumulog sa kanila kahapon kaugnay sa pagkakasangkot ng ilang mga pulis sa krimen.
Ayon sa IMEG mahalaga ito para sa pagsasampa ng kasong administratibo laban sa mga sangkot na pulis.









