Inakusahan ng aide ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves ang kamag-anak ng pamilya Degamo na si Siaton Mayor Fritz Diaz ng pangha-harass matapos ang ginanap na pagdinig kahapon sa Senado.
Sa pagpapatuloy ngayong araw ng imbestigasyon ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, nagpahayag ng pagkabahala sa kanyang kaligtasan ang aide na si Pastor Jerome Nalam at aniya, kung nagawa ni Mayor Diaz sa kanya sa loob ng Senado ay mas kaya rin itong gawin sa labas.
Habang nasa Tolentino Hall at hinihintay nila ang kanilang sasakyan ay sinugod umano siya ni Mayor Diaz, pinagduduro at pinagsalitaan ng kung ano-ano.
Sa pamamagitan ng legal counsel ni Nalam ay hiniling nito sa komite ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na pagsabihan si Mayor Diaz na iwasan ang paggawa ng gulo sa loob ng Senado.
Inamin naman ni Mayor Diaz na nilapitan niya si Nalam pero itinanggi ng alkalde na hinarass niya ang tauhan.
Agad namang pinagsagawa ni Dela Rosa ang Office of the Senate Sergeant at Arms ng imbestigasyon sa nangyaring komprontasyon at iniutos rin nito ang pagkuha sa kopya ng CCTV sa pinangyarihan ng insidente.
Inatasan din ni Dela Rosa ang provincial director ng PNP Negros Oriental na magtalaga ng escort sa parehong kampo para matiyak na hindi na mauulit ang insidente.