Idinetalye ng kaanak ng nawawalang sanggol sa Lingayen na si Edmar Carpio, ang pagsagip nila sa bata katuwang ang pulisya, kahapon.
Batay sa ulat ng pamilya, isang account sa social media ang nagbigay ng impormasyon na nasa kanila ang bata. Nang makumpirma ang detalye, agad silang nagtungo sa himpilan ng pulisya upang humingi ng tulong.
Agad na naglatag ng plano ang mga awtoridad. Isang kamag-anak ng pamilya ang nagkunwaring kukuha sa bata, kasama ang isang babaeng intelligence personnel na nagpanggap ding kaanak. Kasunod nito, limang pulis ang nakapuwesto upang arestuhin ang suspek matapos maisakay ang bata.
Dakong alas-10:30 ng umaga nakarating ang grupo sa itinakdang lugar at bandang tanghali nakapasok sa bahay ng suspek. Doon nakumpirma ang kalagayan ng sanggol at agad na isinagawa ang operasyon.
Naging daan din ang panayam ng IFM Dagupan sa kanilang kaanak upang maipalaganap ang impormasyon at maisulong ang mabilis na aksyon.
Matapos ang matagumpay na operasyon, ipinaalala ng pamilya na wala silang ginawa o gagawin na ikapapahamak ng kanilang mga mahal sa buhay at ipinagpasalamat ang mabilis na tugon ng mga awtoridad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









