Kababaihan, kabataan, at maliliit na negosyo, dapat kasama sa pag-unlad ng asia pacific region — PBBM

Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa APEC Economic Leaders’ Meeting sa Gyeongju, South Korea na hindi magiging tunay na inklusibo ang pag-unlad kung maiiwan ang mga kababaihan, kabataan, at maliliit na negosyo.

Ayon sa pangulo, sila ang dapat maging sentro ng mga plano at programa para sa mas matatag at maunlad na Asia-Pacific region.

Naniniwala aniya siyang dapat palakasin ng mga bansa ang sistemang tutugon sa energy security, digital transformation, at modernong imprastruktura, ngunit kasabay nito, kailangang masigurong may puwang ang lahat, lalo na ang mga sektor na madalas na hindi nabibigyan ng pantay na pagkakataon.

Binanggit ng pangulo na mahalagang mamuhunan sa mga tao, partikular sa kababaihan at kabataan, dahil sila ang nagbibigay-buhay at katatagan sa ekonomiya.

Ipinunto rin niya na kung mapapalakas ang partisipasyon ng mga kababaihan, maaaring tumaas ng hanggang US$28 trilyon ang pandaigdigang Gross Domestic Product (GDP).

Kailangan din aniyang tulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na maka-access sa puhunan, digital tools, at pandaigdigang merkado upang mas mapaunlad ang negosyo at kabuhayan.

Facebook Comments