KABABAIHAN, NABENEPISYUHAN NG LIBRENG BREAST AT CERVICAL SCREENING SA CABAGAN

CAUAYAN CITY – Nabenepisyuhan ng libreng Breast Cancer Screening at Cervical Cancer Screening sa pamamagitan ng Visual Inspection with Acetic Acid (VIA) ang mga kababaihan sa bayan ng Cabagan, Isabela.

Ang aktibidad ay bahagi ng selebrasyon ng Women’s Month ngayong Marso at isang inisyatiba ng Local Government Unit (LGU) of Cabagan, sa pamamagitan ng Rural Health Unit of Cabagan, katuwang ang Philippine Obstetrical and Gynecological Society (POGS) – Northeastern Luzon Region II Chapter, Philippine Society for Cervical Pathology and Colposcopy, at ISU Cabagan personnel.

Umabot sa 59 kababaihan ang nabenepisyuhan ng libreng VIA screening services, habang 68 kababaihan naman ang nag-avail ng breast screening services.


Bukod sa screening, ang mga kalahok ay binigyan din ng pagpapayo at edukasyon tungkol sa cervical cancer, mga panganib nito, at ang kahalagahan ng regular na screening.

Samantala, ang mga babaeng nagpositibo sa mga potensyal na abnormalidad ay isinangguni para sa karagdagang pagsusuri at paggamot upang matiyak ang napapanahong medikal na interbensyon.

Facebook Comments