Kabagalan ng ilang DAR officials sa pagproseso ng land conversion, sinisilip na

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Executive Secretary Salvador Medialdea na imbestigahan ang mga tauhan at opisyal ng Department of Agrarian Reform (DAR) upang malaman kung ano ang pananagutan ng mga ito sa tagal ng pagtatrabaho na nagresulta ng hindi o matagal pagbibigay ng mga lupain sa mga benepisyaryo ng Agrarian Reform Program.

Sinabi nang Pangulo, dapat maparusahan o matanggal na sa posisyon ang mga matatagal magtrabaho.

Batay sa impormasyon, nasa mesa na ni Secretary Medialdea ang kasong ito at masusi nang pinag-aaralan.


Hindi pa maisasapubliko kung sinu-sino ang mga sisibakin sa pwesto hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon.

Matatandaang dalawang beses na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sisibakin niya sa pwesto ang ilang opisyal at tauhan ng DAR sa mga susunod na araw.

Kahapon ay muling ipinahiwatig ng Pangulo ang kaniyang pagkadismaya sa mga taga DAR at sinabing mabuti pang ipadala na lamang ang mga ito sa Jolo, Sulu at ipa-kidnap sa Abu Sayyaf Group.

Ayon sa Pangulo, inaabot ng dalawang taon bago maproseso ang conversion ng mga lupaing gusto nitong ipamigay sa mahihirap na Pilipino, gayong pwede naman pala aniya itong matapos ng hanggang apat na araw lamang.

Facebook Comments