Pagagandahin ng pamahalaan ang kahabaan ng Pasig River.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Human Settlement and Urban Development o DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na sa ilalim ng proyekto, pagagandahin ang kahabaan ng Pasig River, hanggang sa Manila Bay at Laguna de Bay.
Sakop ng programa ang relokasyon sa mga pamilyang nakatira sa gilid o mga estero sa tatlong lugar na ito.
Ayon pa sa kalihim na sa katunayan, sinisimulan na nila ang pagpapatayo ng mga pabahay o housing project sa north harbor kung saan ililipat ang mga pamilyang tatamaan ng proyekto.
Sa dulo naman aniya ng Pasig River ay maglalagay sila ng central park.
Paglilinaw naman ni Acuzar na ang proyektong ito ay para bigyan na rin ng maayos na matitirhan ang mga pamilyang nasa kahabaan ng Pasig River, Laguna de bay at Manila Bay, batay na rin sa kahilingan ni First Lady Louise Araneta Marcos na mapaganda ang kanilang pamumuhay.
Matagal na panahon na aniya ay palaging mayroong proyekto para ayusin ang kahabaan ng Pasig River pero hindi aniya ito nakukumpleto.
Kaya sa pagkakataong ito aniya ay dapat sabay-sabay na ipatupad ang mga programa kabilang na ang pagsasaayos ng drainage system para ganap na maipatupad ang kabuuan ng proyekto.