
Kalunos-lunos ang sinapit ng mga residente sa Barangay Barancuag, Tuao, Cagayan matapos ang biglaang pagragasa ng baha dulot ng pag-apaw ng Chico River.
Sa gitna ng mabilis na pagtaas ng tubig, tanging kabaong ng kanilang nakaburol na ama ang naisalba ng isang pamilya.
Ayon kay Britney Bustillos, anak ng nakaburol, inilipat nila ito sa kalsada sa tapat ng bahay nang unang umapaw ang tubig, ngunit nang patuloy pang lumalim ang baha, kinailangan nila itong ilipat muli sa mas mataas na lugar upang hindi tangayin ng agos.
Ikinuwento ng isa pang residente na hindi nila inasahan ang ganoon kabilis na pagtaas ng tubig. Ito umano ang unang pagkakataon na nakaranas sila ng ganitong matinding pagbaha sa kanilang barangay.
Marami rin ang napilitang umakyat sa bubong at magpalipas ng gabi doon matapos malubog ang kanilang mga tahanan.
Lumikas ang ilang residente sa kalsada ngunit inabutan din sila ng rumaragasang tubig. Ilang ulit silang lumipat ng puwesto para lamang makaligtas sa malalim na baha.
Ayon pa kay Britney, hanggang ngayon ay hindi pa sila nakakain at walang dumating na rescue dahil napalilibutan sila ng tubig kaya sa ngayon, humihingi sila ng tulong sa lokal na pamahalaan at sa mga may mabubuting loob kahit pagkain, tubig, o damit man lang.









