
Sinanay ang mga kabataan ng Alaminos City sa pangangalaga ng kalikasan at likas-yaman sa paglulunsad ng programang ENVIROTOURo na ipinatupad ng Pamahalaang Lungsod sa pangunguna ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO).
Layunin ng programa na mabigyan ng konkretong kaalaman ang mga mag-aaral mula elementarya hanggang kolehiyo hinggil sa mga programang pangkalikasan at mga wastong gawi sa pangangalaga ng kapaligiran.
Ang mga Grade 5 students ng Alaminos Central School ang unang lumahok at naging benepisyaryo ng naturang aktibidad.
Sa Mangrove Eco-Park, ipinakilala sa mga mag-aaral ang iba’t ibang uri ng bakawan, ang tamang pamamaraan ng pagtatanim, at ang papel ng mga ito sa proteksyon ng baybayin at tirahan ng wildlife.
Samantala, sa Engineered Sanitary Landfill, ipinakita ang proseso ng solid waste management kabilang ang paggamit ng Black Soldier Flies, paggawa ng vermicast at soil conditioner, at ang produksiyon ng eco-bricks na ginagamit sa ilang proyekto sa lungsod.
Bumisita rin ang grupo sa MVC Techno Demo Farm kung saan ipinakita ang operasyon ng Hundred Islands E-Kawayan Factory at ang mga produktong yari sa kawayan bilang alternatibong materyales.
Bilang huling bahagi ng tour, pinuntahan ang IGMI-Eco Farm Project at Rabbitry Breeder/Multiplier Farm upang ipakita ang ugnayan ng sustainable agriculture, responsableng pag-aalaga ng hayop, at pangangalaga sa kalikasan bilang bahagi ng seguridad sa pagkain at kabuhayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










