Kabataan Party-list, binatikos ang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections

Para sa Kabataan Party-list, salungat sa demokrasya at laban din sa kapakanan ng mga kabataan ang pagsasabatas ng panukalang pagpapaliban sa October 2023 ng Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections na unang itinakda sa December ngayong taon.

Giit ng Kabayaan Party-list, ang pagpapaliban sa halalan ay salungat sa tapat at mabuting pamamahala ng gobyerno na matagal nang nais makamit ng kabataang Pilipino.

Diin ng grupo, hindi natin dapat hayaan na kontrolin na lang ng mga nasa pinakamataas na posisyon ang mga lider-kabataan na nasa komunidad at pangunahing gumaganap sa tungkulin at nakaalam sa kondisyon ng kanilang nasasakupan.


Ayon sa Kabataan Party-list, ito ay malinaw na pagkakait sa karapatan ng mga lider ng mga kabataan na kumandidato at magserbisyo sa barangay level.

Diin pa ng Kabataan Party-list, pagsikil din ito sa karapatan ng mga kabataan na lumahok sa halalan at piliin ang tunay na makakapaglingkod sa kanilang hanay.

Facebook Comments