Pinaiimbitahan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa si Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs patungkol sa imbestigasyon sa recruitment ng NPA sa mga estudyante ng University of the Philippines (UP)-Diliman.
Ayon kay Dela Rosa, iginagalang niya ang interparliamentary courtesy ng Senado at Kamara pero nais niyang paimbitahan si Manuel sa pagdinig para madepensahan din nito ang sarili.
Magkagayunman, kumbinsido rin ang senador na posibleng hindi pumunta si Manuel sa pagdinig ng Senado dahil siya nga mismo ay hindi rin pumunta nang imbitahan ng Kamara sa imbestigasyon tungkol sa drug war.
Sa pagdinig, ibinunyag ni Kate Raca, dating New People’s Army o NPA member, na taong 2017 nang magkasama sila ni Manuel sa pagre-recruit ng UP students para i-recruit sa NPA.
Aniya, student regent noon si Manuel habang siya ay kasapi naman ng grupong Alay Sining UP na nag-oorganisa ng revolutionary programs at activities sa mga kabataang makabayan na grupong National Democratic Front (NDF).
Sinasabi pa ni Raca na pumupunta rin sila ni Manuel sa kampo ng NPA para makita ang pagdadalhan sa mga estudyante kaya iginiit nitong dapat managot si Manuel sa recruitment ng mga estudyante.