Kabataan partylist, pinatitiyak na walang sisingilin sa mga estudyante matapos ang pag-apruba sa free tertiary education act

Manila, Philippines – Pinababantayang mabuti ng Kabataan Partylist sa Kamara ang mga State Universities and Colleges sa pangongolekta ng bayarin sa mga estudyante.

Ayon kay Kabataaan PL Rep. Sarah Elago, kahit isang sentimo ay wala dapat kolektahin sa mga mag-aaral sa mga SUCs dahil mababalewala ang kahulugan sa pagpapasa sa batas.

Sinabi ni Elago na bukod sa matrikula ay wala na dapat miscellaneous fees at iba pang bayarin sa mga estudyante.


Sa ilalim ng 2018 National Expenditure Program, inaasahan ng mga economic managers ng Pangulo na makakakolekta ng 9.1 Billion tuition sa susunod na taon sa mga state universities.

Hindi aniya dapat mangyari ito, ngayong ganap na batas na ang Free Tertiary Education Act.

Pinamominitor din ni Elago ang ilalatag na implementing rules and regulations na titiyak na ang free access to education ay mapapakinabangan ng mga mahihirap na estudyante.

Sa ikalawang sem ng school year ‎2017-2018 ay inaasahan ang implementasyon ng Free Tertiary Education Act sa buong bansa.

Facebook Comments