Cauayan City, Isabela- Inatasan na rin ng Isabela Provincial Health Office (IPHO) ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na simulan na ang pagpapatala sa mga edad 12-17 para sa inaasahang schedule ng kanilang pagbabakuna kontra COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Assistant Provincial Health Officer Dr. Arlene Lazaro, anumang araw ay posibleng makatanggap ng ‘go signal’ mula sa Department of Health (DOH) para sa kanilang bakuna.
Sa ganitong paraan aniya ay mapapabilis na ang pagtukoy sa mga kabataan na mabakunahan.
Samantala, tatanggap pa rin naman ng mga indibidwal na magpapabakuna sa ilalim ng A1 priority group sa mga lugar kung saan gagawin ang schedule ‘Resbakuna on Wheels’.
Ayon pa kay Dr. Lazaro, marami-rami rin ang gagamitin na bakuna lalo pa’t hinihintay ang karagdagan pang 35,000 doses ng Sputnik vaccine.
Sa kasalukuyan ay naghihintay pa rin ng ‘go signal’ ang IPHO para sa booster shots COVID-19 vaccine.