Nais ng mga kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc na isama ang buhay, karanasan at kabayanihan ng mga comfort women sa mga subject na Araling Panlipunan sa elementarya, sekondarya at tertiary education.
Nakapaloob ito sa House Bill 8564 o panukalang Comfort Women Education Act na inihain nina Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel.
Ayon kay Brosas, paraan ito para magkaroon ng boses ang comfort women na ang ipinamalas na sakripisyo, katapangan at katatagan ay hindi nabibigyang pagkilala sa mga nakaraan at kasalakuyang libro ng kasaysayan.
Diin pa ni Brosas, ang mapait na sinapit ng mga comfort women sa ilalim ng pananakop ng Japanese ay nagbibigay halaga sa pagsusulong ng karapatang pantao para maiwasan ito ay mangyari uli.
Dagdag pa ni Brosas, ito ay paraan din ng pagsunod sa rekomendasyon ng United Nations Committee on the Elimination of Discrimination against Women na bigyang halaga ang matinding paghihirap na ng mga Pilipinang nakaranas ng wartime sexual slavery.