Kabayanihan ng PCG, kinilala ng progresibong grupo ngayong National Heroes Day kasabay ng ikinasang kilos-protesta sa harap ng Embahada ng China

Kinilala ng Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement ang kabayanihan ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa patuloy na pagtatanggol nito sa karapatan ng Pilipinas.

Ang ginawang kilos-protesta sa harap mismo ng Chinese Embassy ay bilang pagpapakita ng suporta ng mga ito sa PCG sa kabila nang pangha-harass ng barko ng China sa barko ng Pilipinas.

Ayon sa grupo, mariin nilang kinokondena ang paggamit ng water cannon ng Chinese Coast Guard laban sa Philippine Coast Guard sa karagatang sakop ng Bajo de Masinloc, Zambales habang nagsasagawa ng programang “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” na naglalayong tumulong sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.

Binigyang-diin din ng FDNY na hangga’t hindi kinikilala ng China ang 2016 Arbitral Award at patuloy ang pangbubully nito sa WPS ay magpapatuloy silang magsagawa ng kilos protesta sa harap ng embahada ng Tsina.

Samantala, nanawagan din ang grupo sa mga Pilipino na magkaisa at suportahan ang mga patakaran ng administrasyong Marcos para sa kapayapaan at kapakanan ng mamamayan sa West Philippine Sea.

Facebook Comments