Santiago City, Isabela – “Mabuting Kaisipan, Tungo sa Kaunlaran”, yan ang naging tema ng programa sa paggunita sa ika-121 anibersaryo ng kamatayan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
Kasama ang mga opisyales ng lungsod, Santiago PNP, BFP, DepEd, DILG at SANWAD pinangunahan ni Hon. Mayor Joseph Tan ang pag-aalay ng mga bulaklak sa monumento ng bayani ganap alas 8 ng umaga ngayong araw, Disyembre 30, 2017, sa Rizal Park, San Andres, Santiago City.
Ayon naman kay Dr. Dante Marcelo, Assistant Schools Division Superintendent sa lungsod, taun-taon nilang ginagawa ang programa upang alalahanin ang kagitingang ginawa ni Dr. Jose Rizal upang mapalaya ang mga Pilipino mula sa kamay ng mga Kastila.
Inanyayahan din ni Atty. Maria Victoria Gonzales ng City Information Culture and The Arts and Tourism ang publiko na makiisa at saksihan ang mga nakahanay pang mga aktibidad tulad ng Cultural show na pangungunahan ng Balamban Dance Troupe at Film Showing na gaganapin sa gabi bilang bahagi pa rin ng pag-alala sa bayani.
Pinasalamatan naman ni Mayor Joseph Tan ang lahat ng nakiisa at dumalo sa isinagawang programa para sa pambansang bayani.