Sa budget hearing ng Senado ay sinita ni Senator Cythia Villar ang kabiguan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magpagawa ng 63 fish hatchery.
Ayon kay Villar, nagawan na ito ng batas at makakatulong din na maparami ang produksyon ng iba’t-ibang uri ng mga isda.
Sa pagkakaalam ni Villar, ngayong administrasyon ay wala pang naipapagawa na fish hatchery ang BFAR kumpara noong nakaraang administrasyon na umabot sa 600.
Sabi naman ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, 30-million pesos ang kailangan para sa bawat fish hatchery na ayon kay Villar ay 20-million pesos lang dati.
Kinuwestyon din ni Villar ang paglalaan ng BFAR ng 3-bilyong pisong pondo para sa repair ng 142 fish port kasama ang Navotas Fish port.
Punto ni Villar, ano ang ipapa-repair sa fish port na pawang mga sementado habang idinagdag naman ni Senator Imee Marcos na may mga fish port ang hindi nagagamit dahil mali ang lokasyon o inilagay sa lugar na hindi naman kailangan.
Samantala, sa budget hearing ay nangako naman ang Department of Agriculture (DA) na tutulong sa horticulture industry kung saan pipili sila ng isa o dalawang floriculture commodity na may potential na mai-export.