Kabiguan ng gobyerno na ikonsiderang “urgent” ang pag-aaral at pag-apruba sa Ivermectin bilang gamot kontra COVID-19, kinuwestiyon ng ECOP

Suportado ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang panawagan ng ilang medical practitioners na payagan ang paggamit ng anti-parasitic drug na Ivermectin bilang gamot laban sa COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila, kinuwestyon ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr. ang kabiguan ng gobyerno na ikonsiderang “urgent” ang pag-apruba sa Ivermectin.

Kung tutuusin aniya, trabaho dapat ng gobyerno na maghanap ng remedyo sa halip na harangin ang mga posibleng gamot laban sa virus.


“E ang daming doktor na nagpe-prescribe niyan e. Ang dami kong kasamahan na nag-import niyan e. hindi ba trabaho ng gobyerno lalo na ngayon na emergency, lalo na ngayon na wala na… yung ibang gamot e nagkakaroon ng problema, e di ba trabaho nila yan e bakit kami ang nagtutulak na gamitin? Sila ang naglalagay ng red tape,” giit ni Ortiz-Luis.

Paglilinaw naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, hindi sila nag-isyu ng ban sa paggamit ng Ivermectin pero kinakailangan pang magsagawa ng malalimang pag-aaral para mapatunayang ligtas at epektibo ito laban sa COVID-19.

Sa ngayon aniya, wala pang nag-a-apply at wala pa silang inaaprubahang aplikasyon para sa registration at compassionate special permit ng Ivermectin.

“Sa Pilipinas, ang meron lang na rehistrado na Ivermectin ay para sa mga hayop. Parang yung huli na nagrehistro niyan sa Pilipinas na para sa tao was 2018, yung oral form, pagkatapos wala nang nag-renew,” paliwanag ni Domingo.

“Ang nakakatakot lang po kasi, kung ginagamit siya ngayon tapos tatlong taon na na walang rehistrado dito e either expired yan, o illegal smuggled o kaya para sa hayop,” saad pa niya.

“Yun lang naman po ang sa amin, kapag ibebenta po ang gamot sa Pilipinas, kailangan rehistrado.”

Pero ayon kay Ortiz-Luis, hindi totoo na wala pang nag-a-apply para magamit ang Ivermectin sa Pilipinas.

“Hindi naman totoo na hindi available, hindi naman totoo na walang nag-apply, merong nag-apply, hindi naman totoo na walang enough studies, naku e 22% ng mundo e, gumagamit na niyan. Hindi ko alam kung merong budget ang Department of Health o FDA pambili ng studies. E baka naman wala silang pambili kaya di nila nababasa.”

Facebook Comments