Kabiguan ng mga Filipino Muslims na makapunta sa Hajj sa Mecca, pinasisilip sa Kamara

Photo Courtesy: PNA

Pinapaimbestigahan ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang pagkabigo ng mga kapwa Muslim-Filipinos na makapunta ngayong taon sa Hajj pilgrimage.

Sa House Resolution 22 na inihain ng kongresista ay inaatasan nito ang nararapat na komite sa Kamara para silipin ang pagpalya ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) na ma-secure o matiyak ang travel visas ng mga kababayang Muslim na sana’y dadalo sa taunang Hajj sa Mecca.

Ang Hajj ay kabilang sa mga mahahalagang practices at institusyon na kilala sa tawag na “Five Pillars of Muslim” at ito ay taunang ginagawa ng mga Muslim sa buong mundo.


Dismayado ang kongresista dahil naipit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga kababayang Muslim at hindi nakabyahe ngayong taon para sa Hajj dahil sa kakulangan at posibleng kapabayaan ng NCMF.

Ang insidente aniya ay nagdulot ng stress sa mga pilgrims dahil mula 2020 nang magkaroon ng COVID-19 pandemic ay ngayon lamang sila nabigyan sana ng pagkakataon na makapunta sa pinakabanal na lugar para sa mga Muslim.

Pina-re-review rin ni Hataman ang mga polisiya ng NCMF para sa Hajj coordination program upang matiyak sa susunod ang maayos at organisadong pilgrimage experience ng mga Filipino Muslims.

Facebook Comments