Kabiguan ng PITC na makapagtayo ng pasilidad kahit may pondo mula DOH, bubusisiin din ng Kamara

Sisilipin na rin ng House Committee on Public Accounts ang umano’y kabiguan ng Philippine International Trading Corporation (PITC) na makapagpatayo ng ospital at research facility sa kabila ng nakolektang pondo mula sa Department of Health (DOH), ayon kay Public Accounts Committee Chairman Jose Bonito Singson.

Tinukoy ni Singson ang hindi naitayong ospital para sa emerging and re-emerging infectious diseases na may pondong P126 million mula sa DOH-Research Institute for Tropical Medicine (DOH-RITM).

Gayundin ang mahigit P826 million na para naman sa pagpapatayo ng National Reference Laboratory Building bilang suporta sa clinical laboratories para sa microbiological analysis at sa surveillance ng mga nakahahawang sakit.


Sabi ng kongresista, ang nabanggit na mga halaga ay parte ng P11 billion na inilipat ng DOH at iba pang ahensya sa PITC para sa iba’t ibang procurement activities.

Giit ni Singson, sinayang ng PITC ang pagkakataon para sa bansa na mas malabanan pa sana ang COVID-19 pandemic kung naipatupad ang naturang mga proyekto.

Facebook Comments