Dismayado si Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Representative Jude Acidre na hindi pa rin naipapasa ng Senado kahit sa 2nd reading ang panukala na bagong Government Procurement Reform Act (GPRA) kahit sinertipikahan itong urgent ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Diin ni Acidre, ang GPRA ay isang mahalagang panukala na makatutulong sa pagpapalakas ng ekonomiya at paglalapat ng reporma sa pananalapi na puspusang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon.
December 12, 2023 nang ipasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang naturang panukala na layuning mapahusay at ma-modernisa ang government procurement system sa bansa.
Nakalulungkot para kay Acidre na bago ang Lenten break na nagsimula ngayong linggo hanggang April 29 ay hindi binigyan ng prayoridad ng mga Senador ang panukala kahit pa binigyag diin ni Pangulong Marcos sa liham nito kay Senate President Juan Miguel Zubiri kung gaano ito kahalaga.