Kabiguang bantayan ang online selling ng karne ng baboy, pinuna ng mga senador

Sinita nina Senators Imee Marcos at Cynthia Villar ang National Meat Inspection Service (NMIS) dahil sa kabiguang bantayan ang online selling ng karne ng baboy sa gitna ng pagkalat ng African Swine Fever (ASF).

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole na pinamunuan ni Senate President Tito Sotto III ay pinuna ni Marcos ang kawalan ng pakialam ng Department of Agriculture (DA) at pagpapasa naman ng NMIS ng responsibilidad sa Local Government Units (LGUs).

Giit ni Marcos, nasa mandato ng NMIS ang disease prevention at kontrol kaya hindi nito dapat hayaan na lang maghasik ng lagim ng ASF ang mga online seller ng karneng baboy.


Paliwanag naman ni NMIS Executive Director Jocelyn Salvador, kanilang iniinspeksyon ang mga karne na pumapasok sa slaughter house na nabigyan nila ng akreditasyon at itinuro nito ang LGU na siyang may responsibilidad na tiyakan ang kaligtasan ng karne at iba pang pagkain batay sa Food Safety Act.

Sinermonan naman ni Senator Villar ang NMIS dahil sa pagpapasa nito ng responsibilidad sa LGU sa halip na umaksyon sa harap ng nauusong online selling ng karne ng baboy habang may pandemya.

Facebook Comments