Kabiguang maibigay ang hazard pay at special risk allowance ng mga health workers, pinapa-imbestigahan sa Senado

Inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 584 na nagsusulong ng imbestigasyon sa kabiguan ng gobyerno na maibigay ang nararapat na hazard pay at special risk allowance ng mga health workers.

Diin ni Hontiverors, hindi pwedeng puro pasalamat lang ang sukli sa sakripisyo ng mga health workers sa pagharap natin sa COVID-19 pandemic, lalo na at apektado rin sila ng economic crisis.

Layunin ng hakbang ni Hontiveros na matukoy ang bottleneck na siyang nagiging hadlang sa napapanahong pagpapalabas ng COVID-19 hazard pay at special risk allowance para sa healthcare workers.


Ang hakbang na ito ni Sen. Hontiveros ay makaraang magprotesta ang medical frontliners at advocacy group kaugnay ng hindi pa nila natatanggap na kumpensasyon simula noong Marso.

Dismayado rin si Hontiveros na hindi nasusunod ang itinatakda ng Adminisrrative Order No. 35 na inilabas ng Malacañang na nag uutos na bigyan ang mga health workers ng karagdagang ₱3,000 kada buwan bilang hazard pay.

Ayon kay Hontiveros, noon pang buwan ng Oktubre nairelease ang pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act pero bakit hanggang ngayon ay mayroon pang 16,764 medical frontliners ang hindi nababayaran.

Facebook Comments