SAN NICOLAS, PANGASINAN – Nakatakdang kabitan ng libreng linya ng kuryente ang nasa 150 na kabahayan sa bayan ng San Nicolas, Pangasinan bilang handog sa mga benepisyaryong kabilang sa malalayong lugar na walang suplay ng kuryente.
Sa naging pagtitipon, mithiin umano ng lokal na pamahalaan ng bayan na sa lalong madaling panahon ay mapabilis ang implementasyon ng proyektong libreng elektrisidad sa lugar.
Ayon naman kay Engr. Peter Cesario, ang Power Use Inspector (PUI) ng Panelco III ay asahan umano na makakabitan at magkakaroon na ng kuryente sa kani-kanilang mga lugar sa loob ng limang araw.
Sa ilalim ng programang ito, walang babayaran ng kahit anong halaga ang mga benepisyaryo nito gaya ng mga kilowatt meter, drop wires, at outlets dahil ito ay ibibigay ng libre.
Ang budget na gagamitin sa naturang proyekto ay ang 2020 budget ng LGU na nagkakahalaga ng P2-Milyon para sa pagkakabit ng libreng kuryente sa mga nasa malayong lugar.
Samantala, kailangan pa umanong iberipika ang 150 benepisyaryo kung sila ay karapat-dapat na mabigyan at nanagawan naman ang LGU na maaari pang humabol at mag-apply upang makasali sa proyekto.