
Itinuturing na record-breaking ng Sagguniang Panglungsod ng Dagupan ang pagkakapasa ng nasa 253 na panukala at 35 na ordinansa sa loob ng limang buwan mula Hulyo hanggang Disyembre ngayong 2025.
Ipinakita ng Sanggunian ang matatag na dedikasyon sa paglikha ng mga panukalang batas at resolusyong tumutugon sa pangangailangan ng lungsod at ng mga Dagupenyo. Ang nasabing bilang ay itinuturing na record-breaking, na sumasalamin sa aktibong pagtalakay at agarang aksyon sa mahahalagang usaping panlungsod.
Ang mga naipasa na resolusyon at ordinansa ay nakatuon sa iba’t ibang larangan tulad ng kaunlarang pang-ekonomiya, kaayusang panlipunan, serbisyong panlungsod, at kapakanan ng mamamayan. Layunin ng mga ito na magsilbing pundasyon ng mas maayos na pamamahala at mas inklusibong pag-unlad para sa lungsod.
Nagpahayag ng pasasalamat ang pamunuan ng Sangguniang Panlungsod sa tiwalang ibinigay ng mamamayan at sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan. Binigyang-diin na ang bawat batas at resolusyong naipasa ay bunga ng sama-samang pagsisikap, masusing pag-aaral, at malasakit sa kinabukasan ng Dagupan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










