Kabuuang halaga ng shabu na nasabat sa ilalim ng Marcos administration, umabot na sa P30-B

Umaabot na sa 4.4 tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng 30-bilyong piso ang kabuuang nasabat sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., o simula Hulyo ng nakaraang taon.

Inihayag ito ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na siya ring chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na nagsasagawa ngayon ng pagdinig ukol sa magkakasunod na pagpasok sa bansa ng illegal drugs.

Sabi ni Barbers, sa laki ng naturang halaga ay kayang-kaya ng drug lords na tustusan ang gastos sa kampanya para sa eleksyon sa ating bansa.


Sabi ni Barbers, mabuti na lamang at marami pa ring matitinong kawani ang ating law enforcement units na nagbabantay ng ating kapayapaan bagama’t meron pa ring mangilan-ngilan na naliligaw ng landas.

Binanggit ni Barbers na pinakahuli sa mga nasabat na droga kamakailan lang ay ang 200 kilos sa Mabalacat, Pampanga noong Agosto; 560 kilos sa Mexico, Pampanga noong Sept. 24; 323 kilos MICP sa Maynila nito lamang October 4.

Humaharap ngayon sa pagdinig ng Kamara ang mga opsiyal ng National Bureau of Investigation, Bureau of Customs, the Philippine Drug Enforcement Authority, at Philippine National Police Drug Enforcement Group.

Facebook Comments