Kabuuang kaso ng COVID-19 sa Kamara, 277 na; aktibong kaso, umakyat sa 43

Pumalo na sa 277 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Kamara.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, sa bilang na ito ay 227 na ang gumaling mula sa naturang sakit ngunit pito naman ang pumanaw na dahil sa COVID-19 kung saan kasama rito ang dalawang kongresista.

Sa update, umakyat na sa 43 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Mababang Kapulungan.


Hindi pa kasama rito ang mga kongresista na nagpa-COVID-19 test sa ibang pasilidad at nagpositibo sa sakit.

Aniya, habang walang pasok ang Kamara nang dalawang araw ay ipinag-utos naman ni Speaker Lord Allan Velasco na magsagawa ng disinfection sa buong Batasan Complex.

Magbabalik naman sa Huwebes ang pasok ng Kamara para tapusin ang mga trabaho bago ang Holy Week break ng Kongreso.

Nakatakda namang magsagawa ng mass testing ang Mababang Kapulungan sa pagbabalik sesyon sa May 17.

Facebook Comments