Nakapagtala na ang Pilipinas ng unang dalawang kaso ng Omicron subvariant na BA.2.75.
Ayon kay Department of Health (DOH) officer-in-charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, ang dalawang natukoy na pasyente ay pawang mga gumaling na at mula sila sa Western Visayas.
Aniya, ang isang tinamaan ng sakit ay partially vaccinated kontra COVID-19, habang ang isa ay hindi pa bakunado.
Ang BA.2.75 Omicron subvariant ay kilala rin sa tawag na “Centaurus” na mabilis makahawa na unang natukoy sa India at ngayon ay kumalat na sa mahigit 10 na bansa kabilang na ang United States, Britain, Germany at Australia.
Samantala, kinumpirma rin ni Vergeire na nakapagtala rin ang bansa ng 1,015 na karagdagang kaso ng Omicron subvariant BA.5; 26 pang kaso ng BA.4; at 18 na bagong kaso ng BA.2.12.1.
Aniya, ang lahat ng rehiyon maliban sa Zamboanga Peninsula at Northern Mindanao ay may mga kaso na ng BA.5 na batay sa pinakahuling genome sequencing sa bansa.
Dagdag pa ng opisyal, tatlo sa mga karagdagang kaso ng BA.5 ay mga returning overseas Filipinos (ROFs).
Sa 1,015 na bagong kaso ng BA.5, kabuuang 883 ang mga naka-rekober na; 84 ang sumasailalim pa rin sa isolation, habang patuloy na bineberipika ang kalagayan ng natitirang 48 na pasyente.
Ayon pa kay Vergeire, ang naitala naman na 26 na bagong kaso ng BA.4 ay 21 dito ay mga gumaling na, habang ang dalawang tinamaan ng sakit ay nasa isolation pa at ang natitirang tatlo ay bineberipika pa ang kalagayan.
Sa nasabing bilang din, 17 ay fully vaccinated na kontra COVID-19, ang dalawa ay hindi pa bakunado at ang natitira ay patuloy na inaalam pa ng DOH.
Samantala, sa 18 naman na bagong kaso ng BA.2.12.1 ay 13 dito ay pawang mga gumaling na; 4 ang nasa isolation at ang ibang natitirang pasyente ay patuloy na bineberipika pa.
Sinabi pa ni Vergeire na 11 ay ganap na nabakunahan, dalawa ang hindi pa bakunado, habang ang lima ay inaalam pa ang kasalukuyang status sa pagbabakuna.
Sa ngayon, umabot na sa 3,012 ang kabuuang kaso ng BA.5 Omicron subvariant, habang umakyat na sa 97 ang kumpirmadong tinamaan ng BA.4 at pumalo na sa 172 naman ang kabuuang kaso ng BA.2.12.1 sa bansa.