Ilulunsad na rin ng Department of Agriculture (DA) ang isang application app na maaaring magamit ng publiko para makabili ng mga produktong agrikultura habang nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) dulot ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Christine Evangelista, tatawagin itong Kadiwa App kung saan mabibili ang mga ini-export na agricultural products tulad ng crispy mushroom, virgin coconut oil at iba pa.
Ang mga produktong ito kasi ang hindi gumagalaw ngayon sa merkado dahil bawal ang pagdadala ng mga export products sa ibang bansa.
Nakipag-partnership ang DA sa Grab Express upang mabilis na mabenta ang mga ito.
Maliban sa Kadiwa App, mayroon na ring Kadiwa Online para doon mamili ang publiko ng mga gulay, frozen meat at iba pa.
Mas mababa ang presyo ng mga ibinebentang produkto sa Kadiwa Online kumpara sa presyong palengke.
Plano ng ahensya na ituloy ang Kadiwa Online kahit tapos na ang quarantine upang matulungan ang mga magsasaka na maibenta ang produkto at ang mga mamimili sa mas maalwan na pamimili.
Magkakaroon ng dagdag na 100 pesos sa kabuuang presyo ng pinamili para sa delivery charge sa Metro Manila.
Paliwanag ni Asec. Evangelista, sakop ng suggested retail price ang mga mabibiling produkto sa Kadiwa App at Kadiwa Online.