
Naisakatuparan ng maayos ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paghahatid ng tulong para sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc at Escoda Shoal.
Ito’y sa kabila ng panibagong pangha-harass ng Chinese Coast Guard gamit ang kanilang mga vessels.
Aabot sa halos 100 ang nabigyan ng fuel subsidies at pagkain sa ilalim ng “Kadiwa para sa Bagong Bayaning Mangingisda” (KBBM) program.
Sa pahayag ng PCG, mahigit 120,000 litro ng fuel oil at 600 grocery packs ang naipamahagi nila sa mga mangingisda.
Bukod pa dito, binili rin ng pamahalaan ang nasa 30 tonelada ng huling isda ng mga lokal na mangingisda.
Nabatid na hinarang at tinakot ng mahigit 20 barko ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia ang mga barko ng Pilipinas kung saan ginamitan rin sila ng water cannon sa Escoda Shoal.
Sa kabila nito, naihatid pa rin ng PCG at BFAR ang tulong kung saan ayon kay PCG Commandant Admiral Ronniel Gil Gavan, mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol sa karapatan ng mga mangingisdang Pilipino at sa bawat karagatang sakop ng bansa.









