Kadiwa ni Ani at Kita, susuplayan ng gulay ang mga nagsusulputang community pantries

Nakahanda ang Department of Agriculture (DA) na suplayan na rin ng mga high value crops partikular ng mga gulay ang mga nagsusulputang community pantries.

Sa virtual presser sa DA, sinabi ni Undersecretary for High Value Crops and Rural Credit Undersecretary Evelyn Laviña na nakikipag-ugnayan na sila sa marketing office sa kada rehiyon para tuloy-tuloy na makapag-deliver ng gulay.

Sa katunayan, ayon kay Zena Bernardo, ina ni Patricia Non, naghatid kanina ng sampung crates ng assorted na gulay ang Kadiwa ni Ani at Kita sa Maginhawa Community Pantry.


Nagkaroon na rin ng kasunduan ang Kadiwa ni Ani at Kita upang direktang makapamili ng apat na tonelada ng gulay sa mga farmers group kada araw.

Nangako ang DA na sasagutin ang libreng transportasyon sa paghahatid ng mga gulay.

Sinabi ni Bernardo na dahil dito ay makakatipid sila ng ₱20,000 na kanilang gagamitin pandagdag sa bibilhing vegetable supply.

Facebook Comments