
Isiniwalat ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang dagdag pang mga kaduda-dudang pangalan sa listahan ng mga tumanggap umano ng kabuuang P612.5 milyon na halaga ng confidential funds mula sa Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).
Kabilang sa mga tinukoy ni Ortega ay ang mga pangalang Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, Fiona Ranitez, Ellen Magellan, Erwin Q. Ewan, Gary Tanada, at Joel Linangan.
Ayon kay Ortega, ang nabanggit na mga pangalan ay tila hango o malapit sa pangalan ng kilalang mga personalidad sa bansa.
Para kay Ortega ang paulit-ulit na paggamit ng mga kaduda-dudang pangalan upang mabigyang katwiran ang paggastos ng confidential funds ay nagpapalakas sa hinala ng publiko na sinadya ito upang itago kung saan napunta ang pondo.
Magugunitang una nang nabunyag ang mga pangalang Mary Grace Piattos at mga katunog ng brand ng cellphone, grocery items, Team Amoy Asim at iba na nakasaad sa mga dokumentong isinumite sa Commission on Audit ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara.