KAGAWAD, TIMBOG SA UMANO’Y VOTE BUYING SA LAOAG, ILOCOS NORTE; PULISYA MAY BABALA

Arestado ang barangay kagawad mula sa Barangay 48-A, Laoag City, Ilocos Norte dahil sa umano’y pagkakasangkot sa vote buying.
Ayon sa Police Regional Office 1, nakatanggap Umano ng ulat ang pulisya ukol sa insidente ng vote buying sa Isang tindahan na agad nirespondehan ng Quick Response Team ng Laoag City Police.
Pagdating sa lugar ng pulisya, napansin ng mga awtoridad ang ilang taong nagmamadaling umalis. Sa loob ng tindahan ay nadatnan ang isang 52-anyos na barangay kagawad.
Nakita rin sa mesa ang mga campaign leaflet ng lokal na kandidato at mga tig-iisang libong pisong perang papel na nakakabit sa mga ito. Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek. Nakumpiska rin ang pitong campaign leaflets na may kalakip na pera, na magsisilbing ebidensya sa isasampang kaso.
Nagbabala naman si Police Brigadier General Lou F. Evangelista, Regional Director ng Police Regional Office Kontra vote buying at sinabing labag ito sa batas at may kaukulang parusa sa ilalim ng Omnibus Election Code.
Binigyang-diin ni Evangelista na hindi nila palalampasin ang anumang uri ng pandaraya ngayong halalan. Hinimok rin ng PRO1 ang publiko na agad i-report sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay ng eleksyon upang mapanatili ang integridad ng halalan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments