Manila, Philippines – Aprubado na sa joint hearing ng House Committee on Government Reorganization at sa House Committee on Overseas Workers Affairs ang substitute bill para sa paglikha ng departamento para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Tatawagin ang ahensya na Department of Filipino Overseas and Foreign Employment (DFOFE) dahil hindi lamang ito para sa OFWs kundi sa lahat ng Pilipinong nasa ibang bansa.
Ipinaliwanag ni TWG head Albay Representative Joey Salceda na apat ang magiging sakop ng kagawaran kabilang ang OFWs na nasa abroad, OFWs na nakabalik na sa Pilipinas, pamilya ng mga OFW at lahat ng Pilipinong nasa iba’t ibang bansa.
Binanggit ng kongresista na base sa datos, 54% ng lahat ng Pilipinong nasa abroad ay migrants, habang 37% lamang ang temporary workers o iyong kilala bilang OFWs at 7% naman ang undocumented.
Ang kasalukuyang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang magiging central body ng departamento bilang ito ang mayroon nang expertise at mga tao habang magiging attached agencies naman ang Commission on Filipino Overseas (CFO) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).