Manila, Philippines – Susundin ni PNP Chief Ronald Dela Rosa ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibalik sa pwesto si Supt. Marvin Marcos.
Si Supt. Marcos ay ang dating CIDG region 8 Chief na nasangkot sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa habang nakakulong sa Albuera jail.
Ayon kay PNP Chief dahil tapos na ang suspension kay Supt. Marcos at naresolba na ang kanyang kasong administratibo ay maari na itong maibalik sa pwesto.
Itatalaga niya raw uli sa PNP CIDG region 8 si Marcos.
Sinabi pa ni PNP Chief na hindi lamang si Marcos ang maibabalik sa pwesto kasama rin nito ang kanyang sampung mga tauhan na kinasuhan at sinuspendi rin matapos ang pagkakasangkot sa pagkakapatay kay Mayor Espinosa.
Sa ngayon pag-aaralan niya ang mga proseso upang malaman kung kelan magsisimulang muli sa trabaho ang grupo ni Supt. Marcos.
Kanina sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-26 anibersaryo ng BJMP sinabi nitong nais nya nang maibalik sa pwesto si Supt. Marcos.
Naniniwala siyang ginawa lamang ni Marcos ang kanyang trabaho.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558