Sumentro sa Barangay Nutrition Program ang ikapitong episode ng programang “Nutrisyon Mo, Sagot Ko!” ng National Nutrition Council (NNC).
Dito tinalakay ng guest na si Ms. Jasmine Anne Tandingan, Nutrition Officer 3 ng Nutrition Surveillance Division ng NNC ang programa at ang nutrition services nito sa barangay.
Ayon kay Tandingan, ang Barangay Nutrition Program ay isang batas na nag-uutos upang palakasin ang iba’t ibang proyekto at pangangailangan sa wastong nutrisyon sa mga barangay.
Kasama sa batas na magkaroon ng barangay nutrition scholar na tumutulong sa pagbibigay kaalaman, tamang nutrisyon at nagpapatupad ng karamihan sa mga nutrition program sa ating bansa na nakatutulong sa Philippine plan of action for nutrition.
Kabilang dito ang mga feeding program, programa na may kinalaman sa micronutrient supplementation at operation timbang plus para sa mga batang edad 0 hanggang 23 buwan gulang upang malaman ang nutritional status ng mga ito.
Dahil dito, naiiwasan ang pagkabansot at malnutrisyon ng mga bata.